Gamot sa Kabag: Ano ang Mga Dapat Gawin Kapag May Kabag?

Ang kabag ng tiyan ay isa sa karaniwang sakit na nararanasan ng mga Pinoy. Ano kaya ang sanhi ng kabag ng tiyan at paano ito maiiwasan? Ano ba ang gamot sa kabag? Ang artikulong ito ay tutulong saiyo upang masagot ang mga katanungan tungkol sa kabag.

Tinatalakay din sa artikulong ito ang mga sumusunod:

  • Mga home remedy na maaring gawin sa kabag
  • Mga gamot na maaring makuha sa ating kusina at kapaligiran
  • Mga kailangang gawin upang maiwasan ang kabag
  • Mga kaugalian at gawain na dapat iwasan para hindi ka magkaroon ng kabag

Ano ang kabag?

Ang kabag ay ang pakiramdam na parang laging busog at matigas ang tiyan dahil sa pagdami ng gas sa small intestine. Kung minsan, ang pasyenteng may kabag ay nakararanas ng mga sintomas katulad ng pananakit at paghilab ng tiyan, pagtatae, kinakapus ng paghinga, at pananakit sa mababang bahagi ng likod.

Ang pangunahing dahilan ng kabag ay ang pagdami ng gas sa small intestine, kung minsan ay dahil din ito sa constipation, ulcer, anorexia, anxiety, paninigarilyo, impatso, premenstrual syndrome, pagmemenopause, at irritable bowel syndrome.

Ano ang gamot sa kabag?

Para magamot ang kabag, dapat na lumabas sa tiyan ang sobang hangin na naipon sa small intestine.

Narito ang mga maaari mong gawing home remedy bilang gamot sa kabag:

Gumamit ng luya. Ang luya ay isang halamang gamot na kilalang mabisang lunas sa kabag. Ito ay mayroong aktibong sangkap na gingerols at shogaols na tumutulong upang mawala ang pamamaga ng bituka at maging relax ang mga kalamnan nito.

Mga hakbang sa paggamit ng luya bilang halamang gamot sa kabag:

  • Maglagay ng apat hanggang limang maninipis na hiwa ng luya sa isang cup at saka lagyan ito ng kumukulong tubig. Takapan ito at hayaan ng 10 minuto. Lagyan ito ng kaunting honey/asukal at kalamansi juice para magkalasa. Inumin ito ng tatlong beses sa isang araw.
  • Maaari ding kumain ng isang kutsaritang ginadgad na sariwang luya bago kumain ng karaniwang pagkain. Maaari ding dagdagan ng luya ang iyong karaniwang pagkain araw araw.
  • Ang mga adulto o nakatatanda ay maaaring kumain ng 0.25 to 1 gramo ng luya na ginawang powder (Ginger powder) araw-araw.

Kalabasa para sa kabag. Ang kalabasa ay tumutulong upang maiwasan ang kabag at ang paninigas ng tiyan. Ito ay mayaman sa vitamin A, potassium at fiber na tumutulong sa malusog na panunaw.

Ang pagkain ng isang tasang kalabasa ay tumutulong upang maging maayos ang galaw ng mga kalamnan sa bituka at mabilis na mailabas ang hangin sa tiyan. Maaring i-steam, i-bake, ilaga o isama ito sa inyong mga lutuin.

Aseite de manzanilla o chamomile oil: Mabisang gamot sa kabag

Alam mo ba na ang pinakamabisang gamot sa kabag ay nabibili sa botika kahit walang reseta ng doktor? Ang maganda pa, hindi mo na kailangang kumain at uminom ng kung ano.

Ang aseite de manzanilla ay kilalang gamot sa kabag, ito ay nabibili sa mga botika bilang anti-flatulence o anti-kabag.

Ipapahid mo lang ang langis na ito sa tiyan mo hanggang sa bandang bahagi ng iyong likuran at maya-maya ay lalabas na ang hangin sa tiyan mo.

Paano ba makakaiwas sa kabag?

Narito ang mga dapat iwasan upang hindi magkaroon ng kabag sa tiyan:

Pagpupuyat at stress – Kapag laging puya ay mahihirapan kang gawin ang iyong regular na rutina araw-araw . Tumataas ang cortisol level o stress hormones ng katawan kapag lagi kang puyat. Ang cortisol at ang mataas na blood sugar na dala ng pagpupuyat ay lubhang nakaka-stress sa bituka ng tao, kaya naman pinagmumulan ito ng kabag.

Kawalan ng ehersisyo – Ang kawalan ng ehersisyo ay madalas na nagiging sanhi ng mga problema sa kalusugan, isa na rito ang kabag ng tiyan. Ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng kabag ng tiyan ay ang hangin na na-iipon sa bituka. Kapag walang ehersisyo ay ay hindi ito madaling mailabas sa sistema ng katawan kaya naman nag-dudulot ito ng kabag, ang pakiramdam na laging busog.

Mabilisang pagkain – Dapat na tandaan na ang proseso ng pagtunaw ng pagkain ay nagsisimula sa bibig at hindi sa tiyan. Ang mabilis na pagkain ay nadudulot ng kabag dahil sa maraming hangin na pumapasok sa bibig habang kumakain. Kapag mabilis ang pagkain ay hindi masyadong nagunguya ang pagkain kaya naman nahihirapan ang ating tiyan na tunawin ang ating mga kinain.

Paninigarilyo – Ang paninigarilyo araw-araw ay nagdudulot ng kabag sa tiyan dahil sa hangin na pumapasok sa tiyan na naiipon sa digestive tract. Sinasabi ng mga pag-aaral na ang mga chemicals na pumapasok sa katawan dahil sa paninigarilyo ay lubos na mapanganib sa kalusugan. Ang mga kemikal ding ito ay nagdudulot ng hindi maayos na galaw ng mga kalamnan sa sikmura na siyang dahilan ng pagkakaroon ng kabag at heartburn.

Labis na pag-inom ng mga inuming may soda – Ang mga inumin na may soda katulad ng softdrinks at iba pa ay paborito ng karamihan. Ang pag-inom ng maraming soda ay nagdudulot ng kabag sa tiyan dahil sa taglay nitong carbonated gas. Bagaman kadalasan na dumidighay pagkatapos na uminom ng softdrinks ay may natitira at naiipon paring hangin sa ating sikmura, kaya naman ng dudulot pa rin ito ng kabag ng tiyan.

Hindi pag inom ng maraming tubig – Ang hindi pag-inom ng tama ay nagdudulot din ng kabag ng tiyan, at nakasasama din ito sa ating kalusugan. Kapag kulang sa tubig o dehydrated, nagiging sanhi din ito ng kabag ng tiyan.

Pagkain ng mga processed food – Ang katawan ay nangangailangan ng asin para sa maayos na metabolic functions, ngunit ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan kabilang na ang abdominal fluid retention. Ang mga processed foods kadalasan nang naglalaman sodium o asin na nagsisilbing preservative. Ang mga pagkaing ito ay nagdudulot din ng kabag ng tiyan.

Ang isa sa pinakakilala at pinagkakatiwalaang gamot sa kabag ng tiyan ay ang Buscopan. Kung sakaling mayroong mas malalang mga sintomas ay mas makabubuti na kumunsulta sa doctor.

Ang kabag ay maiiwasan. Ngayong alam na natin ang mga dahilan nito, iwasan ang mga gawaing kinasanayan na natin na nagdudulot ng kabag ng tiyan. Kumunsulta sa doctor kung kinakailanagan.

KATULAD NA MGA ARTIKULO