Gamot sa Almoranas na Maaari at Ligtas na Subukan

Nakakaranas ka ba ng sakit na almoranas? O kaya naman, isa sa mga mahal mo sa buhay ay mayroon nito. Kapag umaatake ang sakit na ito, alam mo ba ang dapat gawin o ang gamot sa almoranas na dapat inumin? Dapat din alam mo kung paano maiiwasan ang sakit na ito. Ang sakit na ito ay maaring maging karaniwan na sa pandinig. Ngunit marami pa rin ang mga taong hindi pa nakakaalam ng kumpletong detalye o impormasyon tungkol dito.

Kaya naman isinulat ang artikulong ito upang matulungan kang unawain ang sakit na almoranas. Ano ba ang mga sanhi nito, at mga gamot na puwedent subukan para mapagaling ito? Narito ang mga impormasyong malalaman mo:

  • Ano ang almoranas at mga uri nito
  • Mga sanhi at sintomas ng almoranas
  • Gamot sa almorans at iba pang mga paraan
  • Almoranas sa buntis
  • Almoranas ng mga nakatatanda
  • Paano maiiwasan na magkaroon ng almoranas

Upang lubos na maunawaan ang tungkol sa sakit na ito, importanteng malaman muna kung ano nga ba ang almoranas.

Ano ang almoranas?

Ang almoranas ay tinatawag ding piles kung saan namamaga ang ugat sa ibabang bahagi ng rectum at ng butas ng puwit. Ito ay masakit at nagdudulot ng hindi komportableng pakiramadam. Bagamat ang almoranas ay nagdudulot ng ganitong kalagayan, mayroong mga paraan o gamot sa almoranas upang mabigyan ito ng lunas. Ngunit mas makabubuti pa rin kung kokonsulta muna sa doktor.

Mga uri ng almoranas

May dalawang uri ng almoranas: loob at labas na almoranas o internal at external hemorrhoids.

  • Loob na almoranas o internal hemorrhoids – Ito ay nasa loob ng rectum at hindi ito nakikita sa labas. Kadalasan, ang ganitong uri ng almoranas ay hindi sumasakit ngunit malalaman mo kung mayroon ka kung nagdudulot na ng pagdurugo sa rectum or tinatawag na rectal bleeding. May mga panahong ang nasa loob na almoranas ay maaaring umusli sa butas ng puwit, at kapag ito ay nangyari, ito ay maaari ring makapagdulot ng masakit na pakiramdam.
  • Nasa labas na almoranas o external hemorrhoids – Ito ay nasa balat sa palibot ng butas ng puwit, kaya naman kitang-kita ito. Dahil nasa labas na ito, mas nagiging sensitibo na ito at mas masakit. Kadalasan, sa ganitong klase ng almoranas, nakararanas ng pagdurugo dulot ng pagkabanat nito habang dumudumi.

May mga pagdurugo sa butas ng puwit na maaaring dahilan ng malalang kundisyon tulad ng colorectal at anal cancers. Kaya naman dapat lang na kumonsulta na doktor para makasigurado. Maaaring sumailalim sa mga pagsusuring ng mga doktor upang matukoy ang kundisyon ng pasyente. Ang mga pagsusuring maaaring isagawa ng mga doktor ay digital rectal examination, o kaya naman ay manual inspection.

Ngayong nalaman mo na kung ano ang almoranas at ang dalawang uri nito, hand aka na ring alamin ang mga posibleng snahi nito. Ang pag-diskubre ng mga dahilan ay makatutulong sa iyo para malaman mo kung anong gamot sa almoranas ang angkop sa klase ng sakit mayroon ka.

Mga sanhi o dahilan ng pagkakaroon ng almoranas

Katulad ng nabanggit, ang pamamaga ng ugat sa butas ng puwit ang siyang nagiging pangunahing indikasyon na mayroong almoranas ang isang tao.

Narito ang mga sanhing dapat mong malaman tungkol sa pagkakaroon ng almoranas:

  • Pagbubuntis – sa panahon ng pagbubuntis ng isang babae, ang kanyang matris ay lumalaki, kaya napupuwersa nito ang ugat sa colon na nagiging sanhi ng pamamaga.
  • Pagtanda o pagkakaroon ng edad – ang mga tao na may edad ng 45-65 na taong gulang ang kadalasang nagkakaroon ng almoranas. Ngunit hindi naman ibig sabihin na ang mga may edad lamang ang pwedeng magkaroon ng almoranas, nagkakaroon din nito ang mga bata.
  • Pagtatae – kapag nagiging malala ang kundisyon ng pagtatae ay nagdudulot din ito ng pamamaga sa butas sa puwit o almoranas.
  • Hirap dumumi o chronic constipation – kapag napupuwersa ang butas ng puwit dahil sa matigas na dumi ay maaari din itong mamaga o maging almoranas.
  • Matagal na pag-upo – ang matagal na pag-upo lalo na sa kubeta ay pwede ring maging dahilan ng almoranas.
  • Pagbuhat ng mabibigat na bagay – ang biglaang pagbuhat ng mabigat na bagay ay puwede ring maging sanhi ng almoranas.
  • Sobra sa timbang – ang mga taong may mataas na timbang ay maaaring magkaroon ng almoranas dahil sa mga kinakain nito.
  • Namamana – ang almoranas ay maaaring mamana sa magulang o kaya kamag-anak

Mga sintomas ng almoranas na dapat bantayan

Narito ang ilang sintomas na maaaring maramdaman at maranasan ng mga taong mayroong almoranas:

  • Pagdrugo ngunit walang nararamdamang sakit
  • Makati at naiirita ang butas nag puwit
  • Masakit at hindi komportableng pakiramdam
  • Pamamaga ng palibot ng butas ng puwit
  • Pamumula, paamamasa at pamamaga sa palibot ng butas ng puwit

Gamot sa almoranas

Kung hindi ka pa nagkaka-almoranas, huwag ikabahala. Ang karaniwang almoranas ay madali na lamang gamutin ngayon. Subalit may mga kondisyon naman kung minsan na mas malala na ang almoranas at kakailanganin na ang operasyon. Kung pangkaraniwan lang naman ang sakit, may mga gamot sa almoranas na maaaring subukan sa bahay katulad ng:

  • Karaniwang cream o ointments na mayroong sangkap na hydrocortisone, ito ay mabibili over the counter. Ito ang kadalasang gamot sa almoranas.
  • Yelo o cold compress: Gawin ito para mawala ang pamamaga.
  • Umupo sa timba na may maligamgam na tubig.
  • Gumamit ng basang tuwalya sa halip na tuyong toilet paper.
  • Gumamit ng analgesic sa halip na ibang painkiller na maaaring maging dahilan ng hindi komportableng pakiramdam.

Ang mga nabanggit ay mga gamot sa almoranas at paraan na kahit nasa bahay lamang ay madaling magagawa. Kung hindi kaya ng natural na pamamaraan ang paggamot sa almoranas, subukan ang mga sumusunod na maaaring irekomenda ng iyong doktor.

  • Sclerotherapy: Ito ay sulosyong ini-iniksyon sa almoranas upang mawala ang dugo na dumadaloy dito at tuluyan nang gumaling. Maaari ring pagpilian ang paraan na tinatawag na photocoagulation at elactrocoagulation.
  • Ang paraan kung saan ay nagangailangang ng surgery o operasyon. Ang paraang ito ay tinatawag na hemorrhoidectomy kung saan ay naibabalik sa dating anyo ang namagang laman o balat dahil sa almoranas. Ang pasyente ay kailangang sumailalim sa general anesthesia. Kadalasan naman na nakakauwi lamang naman ng bahay ang pasyente pakatapos nitong maoperahan.

Mayroong ibat-ibang paraan at gamot sa almoranas na pwedeng pagpilian. Makabubuti rin kung ang paraan at gamot ay rekomendado doktor. Ang pinakamahusay na gawin ay alamin kung paano ito maiiwasan.

Paano ka makakaiwas sa almoranas?

Huwag nang hintayin pang dapuan ng sakit na almoranas. Hangga’t maaga pa, agapan na ang posibleng pagdanas nito. Narito ang ilan sa mga dapat gawin:

  • Kumain ng masusustansyang pagkain, kautlad ng mga gulay at pagkaing may fiber
  • Iwasan ang matagal na pag-upo
  • Huwag magbuhat ng mabibigat na bagay
  • Huwag pigilan ang pagdumi, dumumi kaagad kapag naramdaman na ito
  • Gumalaw-galaw o mag-ehersisyo araw-araw
  • Panatilihin ang tamang timbang

Anumang karamdaman ay maiiwasan kapag mayroong healthy lifestyle. Kumain nang masustansya at mag-ehersisyo nang regular. Kung may mga sintomas nang naramdaman o nakitaan na ng mga indikasyon ng almoranas, subukan na ang mga nabanggit na natural na gamot sa almoranas. Masmainam ang pagkonsulta sa doktor para mas malaman kung ano ang akmang lunas sa uri ng almoranas mayroon ka.

KATULAD NA MGA ARTIKULO