Mga Halamang Gamot at Paraan ng Paggamit: Iba’t ibang Halamang Gamot at Mga Paraan ng Paggamit Nito

  • 1
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Naghahanap ka ba ng mura at epektibong gamot sa sakit mo? Tumingin tingin lamang sa paligid at baka hindi mo lang ito napapansin. Ang artikulong ito ay isinulat para sa mga pinoy na katulad mo na gustong makatipid sa mga gastusin tulad na lamang sa pagbibili ng gamot. Tatalakayin natin dito ang iba’t ibang mga halamang gamot at paraan ng paggamit ng mga ito.

Kahalagahan ng halamang gamot sa mga pinoy

Mga halamang gamot at paraan ng paggamit? Bago natin ito pag-usapan, alamin muna natin kung ano ba ang kahalagahan ng mga halamang gamot na ito sa mga Pilipino.

Likas sa ating mga pinoy ang pagiging matipid sa anumang bagay, mapa kureyente, tubig, o pagkain man ito. Ang mga gastusin na ito ay dumadaan sa matinding pag budget ng mga ina ng tahanan. Ganito rin ang nangyayari sa tuwing nagkakasakit ang isang myembro ng pamilya. Aminin man natin sa hindi, maging sa bagay na ito ay nagtitipin ang mga pinoy. Syempre, natural lamang na maghanap ng isang gamot na kung saan ay makakamura ka na, epektibo pa!

Ang mga halamang gamot ang tinutukoy ko. Alam mo bang noong mga sinaunang panahon pa ay ginagamit na ang mga halaman sa pagagamot? Opo! Dahil wala pa naman noong mga ospital at hindi pa naman uso ang mga nurse at doktor. Ang problema, habang tumatagal ang panahon, lumalala rin ang mga nagsisilabasang iba’t ibang sakit at kasabay nito ang pagunlad rin ng mundo ng medisina.

Pero, alam mo bang hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang tinatangkilik ang ganitong klaseng panggagamot. Bukod kasi sa hindi ka gagastos ng malaki, hindi rin mahirap gawin ito, at higit sa lahat ligtas pang gamitin.

Kung hindi sapat ang kaalaman mo sa bagay na ito, hayaan mong tulungan kita, ituturo ko sa iyo ang mga halamang gamot at paraan ng paggamit ng mga ito. Magpatuloy lamang sa pagbabasa mo!

Mga halamang gamot na pwede mong itanim sa bakuran mo! (Paraan ng paggamit)

Mahilig ka bang magtanim? Nababagay ito sa iyo! Subukan ang pagtanim ng mga halamang gamot sa bakuran ng bahay mo, alam mo bang magagamit mo ang mga ito pagdating ng panahon? Paano kung sinipon si bunso at inubo si ate? Paano kung linagnat si tatay? Hindi ba mas maganda kung sa mga pananim ka huhugot at hindi sa iyong bulsa?

Dahil para sa iyo ang artikulong ito, narito ang mga halamang gamot na pwede mong itanim sa bakuran mo:

Bayabas

Madaling itanim at maaaring tumubo kahit sa anong uri ng lupa. Alam mo bang ang dahon ng bayabas ay nagtataglay ng anti-bacterial component na mabisang pampagaling sa mga open wounds o sugat?

  • Paraan ng paggamit – Kumuha ng ilang pirasong sariwang dahon ng bayabas at ilaga ito sa isang tasa ng tubig. Gawin itong panghugas at panlinis sa mga sugat para sa mabilis na paggaling.

Aloe vera

Ang aloe vera ay isa pang halamang gamot na maaari mong itanim sa bakuran mo. Mas madali itong mabuhay sa mamasa masang lupa at nasisikatan ng araw. Ang gel na nakukuha sa aloe vera ay mabisang gamot sa nasunog na balat, sugat, eczema, at mga skin allergies. Ang aloe vera juice naman ay mahusay sa mga digestive problems kagaya ng constipation.

  • Paraan ng paggamit – Kumuha ng isang sariwang dahon ng aloe vera at pigain hanggang sa makuha ang gel nito. Ipahid ito sa nasunog na balat, open wounds, at iba pang skin allergies

Lagundi

May ubo at sipon? Walang problema! Ang lagundi ang pinakamabisang halamang gamot pagdating sa ubo at sipon.

  • Paraan ng paggamit – Maglaga ng ilang sariwang dahon ng lagundi. Salain ito at inumin ang pinaglagaan. Alam mo bang ginagamit na rin ito sa pormal na medisina? Alam kong pamilyar sa iyo ang lagundi capsule at lagundi herbal tea. Bakit ka pa bibili nito, kung meron ka namang tanim sa bakuran mo.

Oregano

Isa ang oregano sa may pinaka-maraming sakit na kayang pagalingin, ilan sa mga ito ang paso, pananakit ng ulo, hika, kagat ng insekto, kabag, pigsa, sore throat, at napakarami pang iba. Kaya huwag mong kalimutan itanim ang oregano sa bakuran mo.

  • Paraan ng paggamit – Ang dahon pangunahing bahagi ng halamang oregano na ginagamit sa panggagamot. Maaaring ito ay dikdikin, ipantapal, ilaga, at inumin na parang tsaa.

Sambong

Maraming mga sakit ang napapagaling ng dahon ng sambong. Katulad ng sugat, rayuma, pagtatae, highblood, pamamanhid, ubo at sipon.

  • Paraan ng paggamit – Ang dahon ng sambong ang ginagamit bilang panggamot. Karaniwan itong nilalaga at ginagawang tsaa at pinapainom sa pasyente.

Ampalaya

Ayon sa pag-aaral, napatunayan na na ang halamang gamot na ampalaya ay nakakapag pagaling sa mga sakit na paso sa balat, diabetes, almoranas, at iba pa. Lumalabas rin na mainam rin itong panlaban sa sakit na kanser.

  • Paraan ng paggamit – Karaniwang ginagamit ang ampalaya sa pagluto, ngunit mas mabisa ito kung kakainin ng hilaw (ampalaya salad) o kaya ilagay sa blender at gawing ampalaya juice.

Pansit-pansitan

Ang halamang gamot na ito ay mabisang gamot panlaban sa rayuma at gout ng mga pinoy.

  • Paraan ng paggamit – Maglaga ng mga sariwang dahon ng pansit-pansitan. Salain ito at gawing tsaa para sa pasyenteng may sakit.

Ilan lamang yan sa napakalawak na mundo ng halamang gamot na maaaring makatulong at makapag pagaling kung ano man ang karamdaman mo. Itanim ito sa bakuran mo!

Mga halamang gamot at paraan ng paggamit bilang herbal supplement

Maging mga doktor at scientist ay naniniwala sa hiwaga ng mga halamang gamot. Kaya nga lang dahil may alam sila pagdating sa pormal na medisina, ginagamit nila ito, ngunit dumadaan sa isang proseso. Katulad na lamang ng nabanggit ko kanina tungkol sa lagundi tea at capsule, alam mo bang bukod pa riyan ay ginagawa na ring juice, tablets, cream, at ointment ang mga halamang gamot? Opo! Kabilang sa mga halamang na ito ang malunggay, ampalaya, oregano, at marami pang iba.

Dahil na rin sa paglaganap ng iba’t ibang sakit, kaya napukaw ang mga eksperto sa paghanap ng dagdag solusyon para sa problema sa kalusugan.

Kaunting payo lamang, ang mga nabanggit na halamang gamot ay napatunayan na ang halaga at bisa. Ngunit mas makakabuti pa rin ang pag konsulta sa isang doktor bago ang paggamit nito.


  • 1
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

KATULAD NA MGA ARTIKULO

Related posts