Halamang Gamot sa Uti: Ano-ano Ang Mga Halamang Gamot na Mabisa Para sa UTI?

Nangangamba ka ba na baka maaapektuhan ang kidney mo sa labis na paginom ng antibiotics? Gusto mong maiwasan ito? Subukan mo ang halamang gamot sa uti! Ang artikulong ito ay punong-puno ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa sakit na urinary tract infection, at kung gaano ba kabisa ang ligtas na paggamit ng mga halamang tatalakayin natin.

Mahahalagang impormasyon tungkol sa urinary tract infection o UTI

Halamang gamot sa uti? Bago natin ito pag-usapan, kailangan magkaroon ka muna ng sapat na kaalaman kung anong klaseng panganib ba ang posibleng dala ng sakit na ito. Kagaya ng ibang sakit, mahalagang malaman mo ito bago tayo dumako sa paggamot.

Ang uti o urinary tract infection ay ang impeksyon sa pag-ihi. Ang UTI ay kadalasang nagmumula sa bacteria na Escherichia coli (E. coli), na nakakapasok sa pantog o bladder at sa urethra. Kumpara sa mga lalaki, ang mga babae ang kadalasang nagkakaroon ng UTI dahil mas malapit ang urethra ng mga babae sa kanilang puwit kung saan nanggagaling ang E. coli na normal na natatagpuan sa dumi ng tao.

Alam mo bang delikado ang sakit na ito kapag minaliit mo? Maaari nitong maapektuhan ang iba’t ibang urinary system ng isang tao. Kapag napabayaan, ito ang mga pwedeng mangyari sa iyo:

  • Imperksyon sa bato
  • Impeksyon sa pantog
  • Impeksyon sa daluyan ng ihi (ureter o urethra)

Maaari kang magkaroon ng uti sa pakikipagtalik sa iba’t ibang tao, pagbubuntis, diabetes, at iba pang mga bakterya. Paano mo malalaman na may uti ka? Ang mga sumusunod na ito ang mga palatandaan na mayroon kang sakit na uti:

  • Pagkakaroon ng lagnat
  • Sumasakit ang puson
  • Panghihina ng buong katawan
  • Kung minsan, may kasamang dugo o nana sa ihi
  • Mahapding pakiramdam tuwing umiihi
  • Paunti-unting paglabas ng ihi

Sapat na ba kaibigan ang mga impormasyong ito? Alamin pa natin kung paano mo maiiwasan ang pagkakaroon nito. Magpatuloy lamang sa pagbabasa mo!

Paano maiiwasan ang impeksyon sa pag-ihi o uti?

Halamang gamot sa uti? Bakit pa ba hahantong sa gamutan kung pwede mo naman itong maiwasan! Ito ang mga dapat mong bantayan:

  • Wastong diet – Kumain ng maraming gulay at prutas na mayaman sa anti-oxidant at fiber. Ugaliin rin ang paginom ng maraming tubig, mas mainam ang walo hanggang sampong baso araw-araw. Makakatulong ito sa madalas na pagihi, at paglinis ng bato.
  • Pag-alaga sa katawan (para sa babae) – Ugaliin ang paghuhugas ng genital area matapos umihi at makipagtalik, punasan rin ito ng malinis at malambot na tela, mas maganda kung cotton o baby wipes ang gagamitin. Dalasan rin ang pagpalit ng napkin tuwing may regla o buwanang dalaw. Iwasan ring ang pagsuot ng masisikip na underwear lalong lalo na kung pawisin ka.

Paano makakaiwas sa side effects ng antibiotics? Subukan ang mga halamang gamot sa uti!

Alam mo bang maaaring makasama sa iyo ang labis na paginom ng antibiotics? Naitanong ko na ito kanina lamang at alam kong hindi ito lingid sa kaalaman mo. Marahil ito ang dahilan kung bakit binabasa mo ang artikulong ito. Kaya naman hindi kita bibiguin! Narito ang mga mabisang halamang gamot sa uti o urinary tract infection:

Sabaw ng buko – Alam nating lahat na ang sabaw ng niyog ay mabisang pampaihi. Kapag madalas ang paginom ng buko, malilinisan nito ang mga daluyan ng iyong ihi. Para sa mas maganda at epektibong resulta, uminom ng sabaw ng buko araw-araw.

Bawang – Ang bawang ay may kakayanang labanan ang iba’t ibang impeksyon sa katawan mo, at kabilang riyan ang impeksyon sa pag-ihi o uti. Ang bawang ay mayroong active ingredient na tinatawag na allicin na nagsisilbing antimicrobial at antifungal agent.

Tuyong dahon ng banaba – Magpatuyo ng 14 na piraso ng dahon ng banaba. Kapag tuyo na ang dahon, ilaga ito sa apat na baso ng tubig. Inumin ang pinaglagaan apat na beses sa isang araw para sa mas magandang resulta.

Mais – Ang mais ay may taglay na tannin at anti-oxidant na pinaniniwalaang nakakapag pagaling sa sakit na uti. Magpakulo lamang ng sariwang mais at inumin ang sabaw nito.

Sambong – Hindi lang gamot sa diabetes ang sambong, mainam rin itong lunas sa uti! Katulad ng buko, ang sambong ay kilalang diuretic na mabisang pampaihi. Magpakulo ng sariwang dahon ng sambong at inumin ang pinaglagaan nito. Ipatuloy lamang ang paginom hanggang sa gumaling ang uti.

Pipino – Balatan ang pipino at kunin ang katas nito, pagkatapos ay palamigin ito sa loob ng refrigerator o kaya ibabad sa yelo. Kapag malamig na ang katas, inumin ito ng diretso. Gawin ito araw-araw para sa mas mabilis na resulta.

Upo – Katulad ng pipino, Balatan ang upo at kunin ang katas nito, pagkatapos ay palamigin ito sa loob ng refrigerator o kaya ibabad sa yelo. Kapag malamig na ang katas, inumin ito ng diretso. Gawin ito araw-araw para sa mas mabilis na resulta.

Oregano oil – Ayon sa pag-aaral, ang langis na nakukuha sa dahon ng oregano ay mabisang sangkap sa pagpapagaling ng iba’t ibang impeksyon sa katawan ng isang tao. Ang langis ring ito ay nakakatulong para sa mabilis na paggaling ng uti.

Cranberry juice – Ayon sa research, lumalabas na ang madalas na paginom ng cranberry juice ay nakakatulong sa pagbaba ng kaso ng mga taong nagkakasakit ng uti, partikular na sa mga babae. Bagama’t kaunti lamang ang mga ebidensya at testimonya tungkol dito, sinang-ayonan naman ito ng mga eksperto.

Ang mga nabanggit na halamang gamot sa uti ay ligtas gamitin. Ang problema, hindi lahat ng tao ay magugustuhan ang lasa ng mga ito, lalo na kapag hindi sanay. Kaunting tip lamang, pumili ng halamang gamot na iinumin na magugustuhan mo ang lasa para mainom mo ito ng tuloy-tuloy at magkaroon ng magandang resulta.

Mga dapat tandaan bago uminon ng halamang gamot sa uti

Katulad ng tinalakay natin, ang mga halamang ito ay ligtas gamitin. Gayunpaman, dapat ay sa wastong pamamaraan. Kung ako ang tatanungin, mas makakabuti pa rin ang komunsulta sa isang espesyalista para mabigyan ka ng karampatang lunas para sa sakit mong uti. At kung gusto mo talaga ang paggamit ng mga halamang ito, maaari mo itong imungkahi sa iyong doktor. Natitiyak kong ipapahintulot niya ito at ang mas maganda pa, matuturuan ka ng tamang paggamit.

KATULAD NA MGA ARTIKULO